KIDAPAWAN CITY – IBINIGAY Na ng Philippine Rural Development Project o PRDP ng Department of Agriculture ang tatlong bagong hauling truck at isang closed van na magagamit ng mga banana growers.
Ginawa ang turn-over ceremony nitong March 24, 2021 sa Barangay Manongol ng lungsod.
Malaking tulong ang mga bagong sasakyan na maibyahe at maibenta ang produktong saging mula sa lungsod patungo sa malalaking pamilihan sa Kamaynilaan at iba pang lugar sa bansa, ayon pa sa mga recipient farmers na makikinabang sa tulong ng DA-PRDP.
Ang mga bagong truck at closed van ay bahagi ng Enhancement Consolidation and Marketing of Fresh Lakatan Banana na programa ng DA-PRDP.
Proponent ng proyekto ang Mua-an Farmers MPC at ang City Government.
Mga nagtatanim ng saging mula sa lungsod at taga ibang lugar ang mga miyembrong bumubuo ng kooperatiba na partner ng City Government sa programang pang-agrikultura.
Maliban sa mga nabanggit ay namigay din ang DA-PRDP ng Php 900,00 na trading capital at Php100,000 na halaga ng mga plastic crates sa mga banana growers.
Nagkakahalaga ng Php 9,120,600 Million ang nabanggit na mga truck ug closed van, ayon pa sa City Agriculture Office.
Php 5,856,480 ang halaga ng pondo mula sa DA, samantalang Php 1,464,120 naman ang counterpart ng City Government.
Php 1,800,00 na equity ang kontribusyon ng kooperatiba sa pagbili ng naturang mga sasakyan ng saging.##(CIO)
KIDAPAWAN CITY – 510 NA MGA INDIGENT beneficiaries mula sa iba’t-ibang barangay ng lungsod ang nakatanggap na ng kanilang sahod sa ilalim ng Cash for Work Program ng DSWD at City Government.
Tumanggap ng tig Php 2,330 na sweldo sa loob ng sampung araw na pagta-trabaho at pagtulong sa mga Risk Resiliency Program for Climate Change Adaptation and Mitigation related activities ng kanilang mga barangay ang nabanggit na bilang ng mga indigent beneficiaries.
Pinangunahan ni City Mayor Joseph Evangelista at ng mga kawani ng DSWD Regional Office XII ang aktibidad umaga ng March 24, 2021 sa Mega Tent ng City Hall.
Sa kanyang mensahe sa mga beneficiaries, sinabi ni Mayor Evangelista na makakatulong ang kanilang natanggap na pantawid sa pangangailangan ng kanilang mga pamilya lalo na sa panahon ng Covid19 pandemic.
Hinimok ng alkalde ang mga beneficiaries na gamitin ng wasto ang kanilang natanggap na tulong pinansyal lalo na para sa kanilang mga anak.
Tiniyak din ni Mayor Evangelista na bibigyang prayoridad ang mga mahihirap na mamamayan na makakatanggap ng bakuna kontra Covid19 kapag nakabili na nito ang City Government.
Basehan ng pagbibigay ng Cash for Work Program ang Administrative Order number 15 s. 2008 ng DSWD kaagapay ang National Disaster Risk Reduction and Management Council.
Layun ng programa na magbigay ng temporary employment sa mga nawalan ng trabaho o mahihirap na mamamayan bilang dagdag na pagtugon sa climate change at disaster risk reduction, mitigation at recovery programs.
Ilan lamang nito ang pagsasa-ayos ng mga evacuation centers, drainage canals at flood control facilities, clean up drive, kampanya kontra dengue at Covid19, at tree planting at mga disaster risk reduction and preparedness related activities.
Hinati sa dalawang batches ang kabuo-ang bilang ng mga beneficiaries na mabibigyan ng ayudang pinansyal ng DSWD.
Sila yaong mga na-validate ng ahensya sa tulong ng mga barangay officials na nangangailangan ng ayuda mula sa Pamahalaan. ##(CIO)
Ginanap ang kauna-unahang City Peace and Order Council meeting sa Convention Hall kahapon, araw ng Lunes, March 22, 2021. Pinangunahan ni Kidapawan City Mayor at CPOC Chairman Joseph A. Evangelista ang naturang pulong na dinaluhan ng mga heads of offices ng City Government of Kidapawan, mga government agencies na nakabase sa lungsod, AFP, PNP, BFP, BJMP, PDEA, DILG, DTI, at iba pa na pawang nagbigay ng mga ulat o update mula sa kanilang mga tanggapan kabilang na ang mga ipinatutupad na programa at inisyatiba.
Mahalaga naman ang CPOC meeting upang mapag-alaman ang kalagayan ng peace and order sa lungsod at mapalakas ang ugnayan ng bawat tanggapan, ayon kay Mayor Evangelista.
Sa naturang pagkakataon, ibinahagi ng 72nd IB ng Philippine Army sa pamamagitan ni Captain Jose Bernie H. Senobir ang kanilang patuloy na pagbabantay sa mga bayan na kabilang sa kanilang area of responsibility tulad ng President Roxas, Antipas, Arakan, at ang Kidapawan City.
Iniulat naman ng Kidapawan City PNP sa pamamagitan ni PLT. Col Ramel Hojilla ang mga programa ng kapulisan na magpapalakas ng ugnayan sa mga barangay gayan ng Kapehan sa Barangay at iba pa.
Ayon naman kay Kidapawan City Fire Marshall Leilani L. Bangelis, tuluy-tuloy lang ang BFP Kidapawan sa mga aktibidad na nakapaloob sa Fire Prevention Month ngayong Marso tulad ng information dissemination at regular inspection. Nagbigay din ng kanilang presentasyon ang PDEA sa pamamagitan ni PDEA Provincial Director Neil Liansing at BJMP mula naman kay SJ04 Roy C. Hernandez na nakatuon sa pagpapalakas ng kampanya laban sa illegal drugs at mga reporma upang maging mas maayos ang pagpapatakbo ng piitan.
Kaugnay nito, magdaragdag naman ng ponding abot sa P300,000 ang City Government para sa BFP Kidapawan na gagamitin sa pagbili ng gasolina at dagdag na pasilidad naman para makatulong sa operasyon ng PDEA. Partikular ding pinanawagan sa pulong ang pagpapanatili ng minimum health protocols sa lahat ng tanggapan upang makaiwas sa Covid-19 kahit pa nagsimula na ang rollout ng bakuna sa lungsod. (CIO-AJPME/jscj)
PANSAMANTALA munang pai-ikliin ng Comelec ang oras ng Voter Registration sa buong bansa simula March 22, 2021 hanggang April 4, 2021.
Alinsunod ito sa Memorandum Circular number 85 s. 2021 na inisyu ni Pangulong Rodrigo Duterte, kung saan ay pinaaga ang pagsasara ng voter registration at pagpapaliban sa mga satellite registration sa buong bansa dahil na rin sa pagtaas muli ng kaso ng Covid19.
Simula March 22, tatanggap ng mga magpaparehistrong botante ang Comelec mula alas otso ng umaga hanggang alas tres ng hapon mga araw ng Lunes hanggang Huwebes.
Hanggang alas singko naman ng hapon ang pagbibigay ng voter certification sa mga nabanggit na araw na bukas ang Comelec.
Sarado ang lahat ng tanggapan ng Comelec sa araw ng Biyernes para sa disinfection at pati na rin sa weekends.
Hindi rin muna gagawin ang voter satellite registration sa mga barangay hall, day care centers at ilang pampublikong lugar alinsunod sa kautusan ng ahensya.
Pinapayuhan naman ng Comelec yaong mga nagpa book na ng kanilang registration sa mga araw na sarado ang mga opisina nito na makipag-ugnayan sa mga local election officers upang mabigyan ng bagong schedule sa pagpapatala.
Sa Kidapawan City, pinapayuhan pa rin ang lahat na sumunod sa mga minimum health protocols gaya ng pagsusuot ng face mask at face shields, thermal scanning, pagdadala ng CCTS QR Code, pagdadala ng sariling ballpen at thermal scanning kapag papasok sa tanggapan ng City Comelec.
Magtatagal hanggang September 30, 2021 ang kasalukuyang voter registration para sa gaganaping National and Local Election sa buwan ng Mayo 2022. ##(CIO)
PINANGUNAHAN NI City Mayor Joseph Evangelista ang pamimigay ng ayuda sa mga vendors ng Mega Market na lubhang naapektuhan ng Covid19 pandemic.
Nagmula ang ayuda sa pondo ni Senator Christopher Lawrence ‘BONG’ Go na kanyang ipinadaan sa DSWD para matulungan ang mga maliliit na vendors ng Pamilihang Bayan na makaagapay at makatawid sa panahon ng krisis.
Sa isang video message ng senador, pinasalamatan niya sina Mayor Evangelista, city officials at ang mismong CSWDO ng lungsod na lumapit at nakipagtulungan sa kanyang tanggapan para mabigyan ng tulong ang mga vendors.
Hinikayat ng butihing senador ang mga beneficiaries na linangin ang kanilang kaalaman sa pagnenegosyo sa pamamagitan ng pagdulog sa mga tanggapan ng gobyerno gaya ng DSWD, Department of Trade and Industry, TESDA, at Department of Agriculture dahil may inilaang pondo si Pangulong Rodrigo Duterte para mabigyan ng kabuhayan ang mga mahihirap na mamamayan.
Nagtayo rin ng Malasakit Centers ang Pamahalaan sa ilang pampublikong ospital para makatulong na mabawasan ang bayarin sa pagpapagamot ng mga mahihirap na magkakasakit, pagbubunyag pa ni Senator Go.
Mahigit sa isandaang vendors ng Mega Market na dumaan sa validation ng DSWD ang tumanggap ng tig Php 3,000 na tulong pinansyal.
Maliban dito ay tumanggap din ng bigas, grocery items at multivitamins ang mga vendor beneficiaries.
May pa-raffle din na ginawa ang staff ni Senator Go kung saan ay namigay sila ng bisikleta, tablet at mga pares ng sapatos.
Ang pamimigay ng ayuda ay pauna lamang sa target na 900 beneficiaries sa lungsod na sakop ng programa.
Magtatagal hanggang sa March 19, 2021 ang pamimigay ng katulad na ayuda mula kay Senator Go.
Isinagawa ang pamimigay ng tulong pinansyal umaga ng March 17, 2021 sa amphitheater ng Kidapawan Pilot Elementary School. ##(CIO)
ABOT LANGIT na pasasalamat ang pinaa-abot ng dalawang Kidapawenyang Overseas Filipino na natulungan ni City Mayor Joseph Evangelista na makauwi sa lungsod matapos ang masaklap na karanasang sinapit sa pagta-trabaho sa ibang bansa.
Personal na nagpasalamat sina Daylin Havana ng Barangay Mateo at Nelba Desabille ng Barangay Sibawan kay Mayor Evangelista umaga ng March 16, 2021 sa City Hall.
Kapwa nagpasaklolo ang kapatid ni Daylin at ang mister at anak ni Nelba kay Mayor Evangelista para sa agarang pag-uwi ng kanilang kaanak pabalik ng Pilipinas.
Nagtrabaho bilang mga household workers sina Daylin at Nelba sa Kingdom of Saudi Arabia.
Anim na buwan matapos ang kanyang kontrata bago nakauwi si Daylin kung saan ay inilipat siya ng kanyang employer sa kamag-anak nito mula Riyadh patungong Jeddah.
Wala siyang tinanggap na sweldo sa mahabang panahon at ang masaklap pa nito ay nagkataong nangyari ang Covid19 pandemic at nagpatupad ng lockdown sa bansang kanyang pinagtrabahuan.
Habang si Nelba naman ay na-stroke sa panahon ng kanyang pagta-trabaho sa Riyadh.
Buti na lang at nagkataong isang duktor ang kanyang among Arabo at ito na mismo ang nagpagamot sa kanya sa ospital.
Agad inutusan ng alkalde si Ms. Aida Labina – ang Focal Person ng mga OF concerns ng City Government na makipag-ugnayan at kulitin ang recruitment agency, OWWA at mga Philippine Embassy officials sa Saudi Arabia para agad makauwi ang mga nabanggit na distressed Kidapawenya.
Nagpa-abot din ng cash assistance si Mayor Evangelista kina Daylin at Nelba na magagamit nila bilang pantawid sa kasalukuyan.
Sila ay ilan lamang sa mga distressed Overseas Workers na dumanas ng labis-labis na hirap sa pangingibang bansa sa layuning mabigyan ng magandang buhay ang pamilya na natulungang makauwi ng City Government. ##(CIO)
Sinimulan na ang roll out ng AstraZeneca vaccines sa Lungsod ng Kidapawan kahapon, March 16, 2021. Mga frontliners mula sa anim na mga public ay private hospitals ang nasa priority list para mabakunahan ng AstraZeneca na kinabibilangan ng Kidapawan Medical Specialist Center (465), Kidapawan Doctor’s Hospital (328), United Doctor’s Hospital (21), Madonna General Hospital (148), Cotabato Provincial Hospital (330) at Midway Hospital (170).
Sabay-sabay na sinimulan ang inoculation ng mga frontliners ng nabanggit na mga hospitals sa layuning mabigyan ng proteksyon ang mga ito laban sa Covid-19 at tuluyan ng mapigil ang pagkalat ng sakit. Abot sa 4,910 doses ng AstraZeneca vaccine ang dumating sa Cotabato Province kamakalawa na agad ding ipinamahagi sa mahigit 40 na mga pagamutan at referral hospitals sa lalawigan kabilang na ang mga nasa Kidapawan City. Ikinatuwa naman ni Kidapawan City Mayor Joseph Evangelista ang roll out ng AstraZeneca at tiniyak ang patuloy na suporta ng City Government of Kidapawan sa mga forntliners ganundin sa iba pang sektor sa kampanya laban sa Covid-19. Sinabi ng alkalde na ikinatutuwa niya ang pagbabakuna ng AstraZeneca matapos ang matagumpay na roll out sa Kidapwan City ng Sinovac vaccine noong March 8-10, 2021.
“Isa na namang tagumpay para sa mga Kidapaweno ang araw na ito dahil sa sama-samang pagkilos ng bawat isa laban sa Covid-19”, sinabi ni Mayor Evangelista. Masaya rin si Mayor Evangelista sa maayos na sistema ng vaccination na kanya mismong nasaksihan sa Notre Dame of Kidapawan College (NDKC) at sa iba pang mga vaccination site sa lungsod. Inaasahan naman ang pagdating ng second doses ng Sinovac at ng AstraZeneca sa lungsod sa takdang oras upang ganap na matapos ang vaccination sa hanay ng mga frontliners ng Kidapawan City. (CIO-AJMPE/JSCJ)
KIDAPAWAN CITY – NAKATANGGAP NG ONE STAR AT LEVEL 1 ACCREDITATION ang mahigit sa apatnapung mga Early Child Development o day care workers ng lungsod mula sa Department of Social Welfare and Development XII. Pirmado pa mismo ni DSWD XII Regional Director Cesario Joel Espejo ang Accreditation Certificates ng mga day care workers bilang patunay na naabot nila ang minimum requirement na isinasaad ng ahensya sa ilalim ng Early Child Care and Development Center-Based Programs. Kinilala ng DSWD XII ang kontribusyon at mahahalagang papel ng mga day care workers ng lungsod sa tamang pagpapalaki ng mga bata sa preschool edad 3 years old hanggang 4 years and 11 months old sa pamamagitan ng mga Early Child Development o day care Centers. Matatandaang pinag-laanan ng subsidy ni City Mayor Joseph Evangelista ang sector ng edukasyon kung saan ay sakop nito yaong mga bata mula sa pre-school hanggang senior high school. Maliban sa pagpapatayo ng angkop na gusaling magsisilbing silid aralan ng mga bata, hanggang sa pagbibigay ng mga kinakailangang learning materials, nakatulong din ang subsidy mula sa City Government sa aspetong pangkalusugan ng mga pre-school aged children. Tatlong taon ang validity period ng DSWD Accreditation mula December 17, 2020 hanggang December 16, 2023. Kaugnay nito, dahil na rin sa posibilidad ng pagbabalik ng face to face learning sakaling bumaba na ang kaso ng Covid19 sa lungsod, isasali ni Mayor Evangelista na mabibigyang prayoridad ang mga day care workers na matuturukan ng bakuna maliban pa sa mga identified eligible population na mababakunahan sa hinaharap. ##(CIO)
DAHIL SA MATAGUMPAY na pagpapatupad ng programa noong 2020 sa panahon ng Covid19 pandemic, muling ibinabalik ng City Government ang Magpuyo sa Balay, Mananom og Gulay simula March 10, 2021. Layun ng aktibidad na i-promote ang kahalagahan ng food security para may pagkukunan ng sariwa at masustansyang pagkain sa panahon ng pandemya at pagsusulong ng ‘urban gardening’ sa mga tahanan sa lungsod. Kinakailangang nasa lungsod ng Kidapawan ang mismong vegetable garden at bukas ang paligsahan sa lahat ng Kidapawenyo na may sariling hardin ng gulay sa kanila mismong bakuran, ayon pa sa City Agriculture Office. Upang makasali, kinakailangan lamang magpadala ng mga larawan – larawan ng kanyang vegetable garden at kanyang personal na larawan na nasa kanyang mismong hardin, kalakip ang kanyang pangalan, address at contact number sa Facebook page ng City Government. Hanggang alas tres lamang hapon ang submission ng entries para mag-qualify sa daily judging ng City Government. Maglalaban-laban naman ang lahat ng mga nanalong daily winner sa weekly judging ng paligsahan. Mananalo ng cash prizes ang mga magwawagi kung saan ay ihahayag sa weekly radio program na Laban Kidapawan ng City Government sa Ronda FM. Ang Magpuyo sa Balay Mananom og Gulay ay kinilala bilang isa sa mga Best Practices ng Kidapawan City ng Department of Agriculture na nakatulong na maitaguyod ang pamumuhay ng mga nagtatanim ng gulay sa panahon ng pandemya noong nakalipas na taon. Hanggang April 10, 2021 ang paligsahan, ayon pa sa City Agriculture Office. ##(CIO)
KIDAPAWAN CITY – BALIK NA SA REGULAR FIVE-DAY WORK week ang City Government simula March 15 – 19, 2021. Sa bisa ng Memorandum Number 410 s. 2021, na bagong lang inilabas ni City Mayor Joseph Evangelista, bukas na ang lahat ng tanggapan ng Lokal na Pamahalaan mula araw ng Lunes hanggang Biyernes alas otso ng umaga hanggang alas singko na ng hapon simula sa mga petsang nabanggit. Maala-alang pansamantalang ipinatupad ang four-day work week simula ng taon dahil na rin sa pagtaas ng kaso ng Covid19 sa lungsod. Sa pamamagitan nito ay mas mapapabilis na ng City Government ang pagbibigay serbisyo publiko sa lahat. Kaugnay nito, itinigil na rin ang work from home scheme ng ilang empleyado kaya at balik opisina na ang mga ito, samantalang tuloy-tuloy naman ang trabaho ng mga field workers ng City Government. Pinapayuhan pa rin ang lahat na sumunod sa mga itinatakdang minimum health protocols kapag papasok sa City Hall at mga tanggapan nito tulad ng mga sumusunod: pagsusuot ng face mask at face shields, disinfection, physical distancing at pagpapakita ng CCTS QR Code. ##(CIO)