CITY GOV’T KIDAPAWAN CITY – LIGTAS ANG PAGPAPABAKUNA. Ito ay mensahe ni City Mayor Joseph Evangelista sa mga nagdadalawang-isip o may mga agam-agam na magpabakuna kontra Covid19. Sapat na ang proteksyon na ibibigay ng bakuna para maproteksyunan sa impeksyon at komplikasyon na dulot ng Covid19 wika pa ng alkalde sa pagsasagawa ng unang araw ng Covid19 roll out vaccination program sa Notre Dame of Kidapawan College. Hindi pa kasi pinahihintulutan ng National IATF-MEID at DILG ang mga local officials na magpabakuna kontra Covid19 sa halip inuna muna yaong mga medical frontliners, ayon pa kay Mayor Evangelista. Hindi nakitaan ng ano mang negatibong epekto ang 28 na mga medical front liners na nabigyan ng kanilang kauna-unahang dose ng Sinovac Coronavirus Vaccine sa isinagawang vaccination roll out ng City Government ngayong araw. Tanging kirot lamang ng pagtuturok ang naramdaman ng mga nabigyan ng bakuna, ani pa ni Covid19 Temporary Treatment Monitoring Facility Head Dr. Hamir Hechanova na siyang kauna-unahang nabigyan ng bakuna sa lungsod. Maliban sa pagiging mabuting ehemplo para hikayatin ang publiko na magpabakuna, nais ipabatid ni Dr. Hechanova sa lahat ng Kidapawenyos na dapat din nila itong gawin ng sa gayun ay maprotektahan ang sarili at mga mahal sa buhay laban sa Covid19. Inuna ang mga medical frontliners na mabigyan ng bakuna upang masegurong tuloy-tuloy ang serbisyong medical sa mga referral facility sakali mang muling tumaas ang bilang ng kaso ng Covid19 dahil ito mismo ang idinidikta ng DOH at National IATF-MEID on Covid19. 137 na mga medical frontliners sa mga Covid19 referral facility ng lungsod ang target mabigyan ng bakuna, matapos dumating nitong weekend sa lalawigan mula sa DOH 12. Dumaan muna sa masusing screening ang lahat ng medical front liners bago ang aktwal na pagbabakuna. Pagkatapos mabigyan ng bakuna ay sumailalim sa post vaccination observation ang lahat para malaman kung may negatibong epekto sa katawan ang bakuna. Ibibigay naman ang pangalawang dose ng Sinovac 28 days pagkatapos ang unang turok. Maliban sa NDKC Hub, gagawin din ang kahalintulad na aktibidad sa NDKC Integrated Basic Education campus, St. Mary’s Academy at sa Kidapawan Doctors College ngayong linggong kasalukuyan. ##(CIO)
KIDAPAWAN CITY – SA BISA NG EXECUTIVE ORDER NUMBER 022 S. 2021 na inilabas ni City Mayor Joseph Evangelista nitong March 2, 2021, hindi na required ang travel authority at health certificates sa mga essential at non-essential travelers na uuwi o kaya ay dadaan sa Kidapawan City.
Ito ay bilang pagsunod sa National IATF-MEID Resolution No. 101 dated February 26, 2021 approving the uniform travel protocols for land, air, and sea, of the Department of the Interior and Local Government, crafted in close coordination with the Union of Local Authorities of the Philippines, League of Provinces/Municipalities/Cities of the Philippines.
Una ng nirekomenda ng Local IATF kay Mayor Evangelista na sumunod ang City Government sa uniform protocols ng National IATF-MEID sa ilalim ng Resolution No. 03 series of 2021.
Kinakailangang magpakita ng valid ID para maberipika ng mga otoridad ang pagkakakilanlan at edad ng traveler kalakip ang CCTS card na nire-require ng Cotabato Provincial Government sa mga checkpoints papasok ng Kidapawan City.
Bagamat at hindi na required ang travel authority at health certificate, kinakailangan pa ring makipagkita sa CESU ang mga uuwing indibidwal sa lungsod para sa recording at monitoring.
Sasailalim naman sa quarantine protocols ang mga indibidwal na may simtomas ng Covid19 kapag nakarating na sa lungsod.
Kapag nanggaling naman sa mga lugar na nasa GCQ status, hinihikayat na magpresenta ng negative result ng RT-PCR na kinuha sa loob ng 48 oras ang traveler sa CESU.
Hindi pa rin pinapayagan ang mga bata edad 15 anyos pababa at senior citizens edad 65 years old pataas na bumiyahe sa lungsod sa ngayon habang exempted naman sa nabanggit na polisiya ang mga Authorized Persons Outside Residence o APOR. ##(CIO)
KIDAPAWAN CITY HINIRANG NA BEST PERFORMING CITY AGRICULTURE AND FISHERIES COUNCIL NG REHIYON DOSE
KIDAPAWAN CITY – HINIRANG NA BEST PERFORMING CITY AGRICULTURE AND FISHERIES COUNCIL o CAFC ng Department of Agriculture SOCCSKSARGEN Region ang Kidapawan City.
Mismong si DA XII Regional Executive Director Arlan Mangelen ang nag-abot ng Gawad Parangal sa City Agriculture Office sa kanyang tanggapan sa Koronadal City kamakailan lang.
Pangunahing responsibilidad ng CAFC ang pagsasagawa ng monitoring sa pagpapatupad ng mga proyektong sakahan sa iba’t-ibang barangay ng lungsod, ayon pa kay City Agriculturist Marissa Aton.
Nakakuha ng matataas na marka ang CAFC sa mga criteria na itinatakda ng DA XII gaya na lamang ng: dami ng naisagawang konsultasyon sa mga magsasaka, monitoring ng mga proyektong pangsakahan at palaisdaan, at pagpapasa ng resolusyon ng CAFC para tugunan ang pangangailangan ng mga magsasaka.
Dagdag pa ng opisyal, ang ibayong suporta at pagbibigay prayoridad ni City Mayor Joseph Evangelista at ng mga City Officials ay nakatulong ng malaki sa pagbibigay parangal sa lungsod
Pagbibigay ayuda sa mga magsasaka ng produktong pagkain at mamamalakaya ng preskong isda sa panahon ng pagharap sa krisis na idinulot ng Covid19 pandemic ang naging pangunahing tugon ng City Government.
Ilan lamang sa mga nagawa ng City Government sa sektor ng pagsasaka at pangingisda sa nakaraang taon ay ang mga sumusunod: Pagbibigay ng libreng butil ng gulay sa mga mamamayan sa ilalim ng Magpuyo sa Balay Magtanom og Gulay program na humikayat na magtanim ng gulay sa sariling bakuran; pamimigay ng butil ng palay at mais kasama na ang gamit sakahan at fertilizers sa mga identified farmer recipients; pagbibigay oportunidad sa mga lokal na magsasaka na maibenta ang kanilang mga produktong sakahan sa pamamagitan ng Farmers’ Market at Market-Market sa Barangay; nagpapatuloy na dispersal ng mga Tilapia Fingerlings at iba pang uri ng preskong isda sa mga magsasakang nagmamay-ari ng palaisdaan, post harvest facilities partikular ang irrigation project na nag-uugnay sa mga sakahan ng Barangay Macebolig, Onica at Singao at mga ayudang teknikal na naglalayung mapalago ng mga magsasaka ang kanilang anihan.
Sa pamamagitan ng mga nabanggit ay naitaguyod ng City Government hindi lamang ang kabuhayan ng mga magsasaka, kungdi ay nagkaroon pa ng sapat na supply ng pagkain ang mamamayan sa panahon ng pandemya.
Nahigitan pa ng Kidapawan City ang mga programang pangsakahan at palaisdaan ng General Santos, Koronadal at Tacurong City sa SOCCSKSARGEN Region sa taong 2020, ayon na rin sa DA XII. ##(CIO)
(photo credit to: City Agriculturist Marissa Aton facebook page)
KIDAPAWAN CITY (FEB. 23, 2021) – UPANG matugunan ang kakulangan ng supply ng karneng baboy sa palengke ay kailangang dumami ang mga alagang baboy ng mga hog raisers sa Kidapawan City.
Ito ang pahayag ni Kidapawan City Veterinarian II Dr. Ellaine Mahusay kasabay ng isinagawang turn-over ceremony ng “AI sa Barangay” project sa Multiplier Farm, Barangay Kalaisan ng lungsod kaninang umaga.
Sinabi ni Dr. Mahusay na sa pamamagitan ng AI ay mas magiging produktibo ang mga hog raisers dahil mas ligtas sa sakit ang alagang baboy at mas ligtas ang mga ito sa injury habang lumalaki. Dahil raw ito sa kalidad na semilya ng baboy na ginagamit sa AI at iba pang kagandahang dulot ng AI sa mga baboy.
Kaugnay nito, mahigit sampung mga alagang baboy naman ang agad na sumailalim sa ceremonial AI matapos lamang ang ribbon cutting ng bagong pig pen sa lugar.
Nagbigay naman ng kani-kanilang mensahe ang mga dumalong opisyal kabilang sina ATI-12 Center Director Abdul Daya-an, ATI-12 Livestock and Project Officer Shirley Baldia, Councilor Peter Salac, Chairperson ng Sangguniang Panlungsod Committee on Agriculture, Provincial Veterinarian Rufino Sorupia, City Veterinarian Dr. Eugene Gornez at iba pa.
Masusundan pa ang pagsagawa ng AI sa mga baboy at ang makikinabang dito ay ang mga maliliit na hog raisers at maging ang mga Barangay Animal Health Workers na nag-aalaga ng baboy ay makikinabang din.
Naniniwala ang DA ATI-12 na sa pamamagitan ng naturang proyekto ay sisiglang muli ang hog raising sa Kidapawan matapos na naapektuhan ng African Swine Fever o ASF ang lungsod nitong nakalipas na mga buwan.
Ikinatuwa naman ni Kidapawan City Mayor Joseph Evangelista ang pagsasakatuparan ng AI project dahil alinsunod ito sa hangarin ng City Government na tulungan ang mga magsasaka na makabangon sa hagupit ng Covid19 pandemic sa pamamagitan ng mga makabuluhang proyekto.
Pinasalamatan niya ang Department of Agriculture-Agricultural Training Institute sa pagtitiwala nito sa City Government sa pamamagitan ng matibay na koordinasyon at suporta sa mga hakbang para maiangat pa ang agrikultura sa Lungsod ng Kidapawan.
(AJPME/JSCS)
KIDAPAWAN CITY – MAY KALAKIP NG MGA STORAGE FACILITIES ang paghahandang ginagawa ng City Government sa pinaplanong Vaccination Roll Out Plan kontra Covid19.
Ipinakita mismo ni City Mayor Joseph Evangelista ang mga refrigerated vans na paglalagyan ng mga bakuna na pangontra sa pagkalat ng sakit kay Cotabato Governor Nancy Catamco umaga ng February 16, 2021.
Una ng ipinaliwanag ng alkalde sa gobernadora ang Vaccination Roll Out Plan ng City Government sa pamamagitan ng isang Power Point Presentation, kung saan ay nakasaad dito ang pagpapabakuna sa mamamayan ng lungsod alinsunod sa kautusan ng DOH at National IATF.
Mahalaga ang pagkakaroon ng angkop na storage facility dahil gagamitin ito sa pagbabyahe ng mga bakuna mula sa DOH patungong Kidapawan City, ayon pa kay Mayor Evangelista.
Tinatayang nasa -20 hanggang -25 degrees Celsius ang lamig sa loob ng refrigerated van upang mapanatili ang bisa at maging epektibo ang bakuna para sa matuturukan nito.
Nakalagay na ang mga refrigerated van sa isang tago at secured na lugar sa lungsod sa kasalukuyan at nakahanda na sakaling dumating na ang mga bakuna mula sa Department of Health at pharmaceutical company na magsu-suply ng mga ito.
Tanging Kidapawan City pa lamang ang nakapaghanda ng Covid19 Vaccination Roll Out Plan sa buong lalawigan ng Cotabato, ayon pa kay Governor Catamco.
Hinikayat niya ang iba pang Local Government Units sa buong probinsya na maghanda na rin ng kani-kanilang vaccination roll out plan.
Pangunahing rekisito ang Vaccination Roll Out Plan para makapirma sa isang Tripartite Agreement ang LGU sa DOH/National IATF at Pharmaceutical Company bago ang pagbili ng bakuna. Umaasa ang City Government na mapapabilis na ang proseso sa pagpirma nito sa Tripartite Agreement para magkaroon na ng anti Covid19 vaccines sa lalong madaling panahon.##(CIO)
KIDAPAWAN CITY – NAKAHANDA NA ang City Government para magpatupad ng mass vaccination sa mga Kidapawenyo kontra Covid19.
Inilahad ni City Mayor Joseph Evangelista ang mga nilalaman ng Mass Vaccination Roll Out Plan ng City Government na ipatutupad kapag dumating na ang bakuna na mula sa DOH at sa pharmaceutical company na magsusuply nito.
Ginawa ng alkalde ang kanyang Power Point presentation sa harap pa mismo ni Cotabato Governor Nancy Catamco umaga ng February 16, 2021 sa City Convention Center.
Nakasunod ang Vaccination Roll Out Plan ng lungsod sa itinatakda mismo ng Department of Health para mabakunahan na ang maraming Pilipino laban sa Covid19, pagtitiyak pa ng alkalde.
Una ng inilabas ni Mayor Evangelista ang Executive Order number 006 s. 2021 na siyang bumubuo ng Roll Out Task Force ng City Government na mangangasiwa sa pagpapatupad ng mass vaccination.
Dadaan sa masusing counselling, medical check-up at screening ang sino mang mabibigyan ng bakuna para na rin sa kanilang kaligtasan at maiwasan ang ano mang allergic reaction o di kaya ay komplikasyong dulot ng bakuna.
Magtatalaga ng Vaccination Hub ang City Government sa sentro ng Kidapawan City kung saan ay doon gagawin ang vaccination: Kidapawan City Pilot Elementary School, Kidapawan National High School, Notre Dame of Kidapawan College, St Mary’s Academy, Kidapawan Doctors College at mga pribadong ospital.
Katunayan ay naka cluster na ang mga barangay na bibigyan ng bakuna sa mga vaccination hubs na itinalaga ng City Government.
Magsasagawa ng massive information drive ang City Government upang hikayatin ang lahat na magpabakuna kontra Covid19.
Pinuri naman ng gobernadora ang inisyatibo ni Mayor Evangelista dahil na rin sa tanging Kidapawan City pa lang ang may nakahandang roll out plan sa mass vaccination kontra Covid19 sa buong lalawigan ng Cotabato.
Nagbigay naman ng katiyakan si Gov. Catamco na suportado ng Provincial Government ang nabanggit na inisyatibo ng City Government at magbibigay din ito ng tulong sa pagpapatupad ng mass vaccination.
Nagsagawa naman ng ‘simulation exercise’ ang dalawang opisyal sa kung papano sila mabibigyan ng bakuna mula sa DOH sa KCPES Covid19 Vaccination Hub matapos ang presentasyon na ginawa ng alkalde. ##(CIO)
KIDAPAWAN CITY – PINARANGALAN BILANG 2020 PRESIDENTIAL LINGKOD BAYAN MOST OUTSTANDING GOVERNMENT WORKER NG REGION XII ng Civil Service Commission si City Mayor Joseph Evangelista.
Pagkilala sa kagalingan at pagiging lingkod bayan ang parangal ng CSC sa mga natatanging opisyal at kawani ng gobyerno.
“ This award is for all the men and women of the City Government and Kidapawan City. Nagtulong tulong po tayong lahat para maipatupad ang mga pangunahing proyekto para sa ating mga mamamayan”, mensahe pa ni Mayor Evangelista matapos matanggap ang parangal.
Kinilala ng CSC ang mga magagandang nagawa ni Mayor Evangelista bilang Local Chief Executive ng lungsod.
Kabilang dito ang pagiging DOH Champions for Health awardee ng lungsod na kumilala sa programang pangkalusugan na nakabenepisyo sa mga bata, mga senior citizens, mga inang nagdadalantao at mga maysakit.
Kasali rin ang Barangay Governance Performance Assessment for the LGU Award and Incentive Program na ipinatupad sa ilalim ng pamumuno ni Mayor Evangelista.
Nakatulong ito upang mas maging matatag ang barangay governance system at epektibong maibigay ng kanilang mga opisyal ang angkop na serbisyo at programa sa mamamayan.
Malaking puntos din ang pagiging Hall of Famer Seal of Good Local Governance Award ng DILG na napagwagian ng Kidapawan City mula taong 2016-2019 sa pagkakahirang kay Mayor Evangelista bilang Lingkod Bayan Awardee.
Personal na inabot nina CSC XII Asst Director Atty. Venus Ondoy Bumanlag at Cotabato CSC Field Office Head Glenda Foronda Lasaga ang Presidential Lingkod Bayan Award kay Mayor Evangelista sa isang simpleng seremonya sa City Hall umaga ng February 10, 2021.
“ This recognition shows the exemplary leadership and service extended by Mayor Evangelista to all Kidapawenyos. He sacrificed himself and even went out of his way to implement the programs needed to improve the welfare of his constituents”, wika pa ni CSC XII Asst. Director Bumanlag.
Maliban sa pagbibigay pugay sa mga kawani ng Lokal na Pamahalaan sa pagpapatupad ng kanyang mga programa, magiging inspirasyon ani pa ni Mayor Evangelista, ang gawad parangal lalo na at nahaharap pa sa hamon na dala ng Covid19 pandemic ang lungsod.
Katunayan ay nakahanda na ang City Government sa pagpapatupad ng mass vaccination sa mahigit 45,000 na Kidapawenyo kontra Covid19.
Inaasahang matatangap na ng City Government ang mga bakuna mula sa National Government sa susunod na buwan upang masimulan na ang mass vaccination ng tinatayang 70 porsyento ng lokal na populasyon bilang panlaban sa Covid19, sabi pa ng alkalde.##(CIO/AJPME)
KIDAPAWAN CITY – 2,421 NA MGA establisimento ang nabigyan na ng Business Permits and Licenses ng City Government mula January 4 hanggang February 9, 2021.
Nagmula ang datos sa City Business Licensing ang Processing Office kung saan ay patuloy pa nilang pinoproseso ang mga permits and licenses ng mga negosyanteng naghahabol sa application at renewals.
Matatandaang ipinatupad ng City Government ang Business One Stop Shop upang magbigay serbisyo sa mga negosyante at taxpayers sa pagsisimula ng bawat taon.
Sa kabila ng Covid19 pandemic, naging maagap ang maraming negosyante at taxpayers na tumungo sa City Hall upang mag renew o di kaya ay magbukas ng negosyo sa Kidapawan City, ito ay ayon pa sa mga kagawad ng BPLO.
Kaugnay nito ay pasasalamat naman ang ipina-aabot ni City Mayor Joseph Evangelista sa kooperasyon ng business sector sa mga programa ng City Government kontra Covid19.
Sa pagsunod ng mga business establishments sa mga itinatakda ng Local IATF, ay nananatiling manageable ang bilang ng mga nagkakasakit ng Covid19 sa lungsod, wika pa ni Mayor Evangelista.
Nakatulong din ang BOSS lalo pa at mas napadali nito ang processing ng business permits and licenses kaagapay ang iba pang ahensya ng pamahalaan na naglagay ng kani-kanilang desk sa Mega Tent ng City Hall.
Hindi naman naging hadlang ang pagpapatupad ng mga minimum health protocols gaya ng mandatory na pagsusuot ng face mask at face shields, thermal at QR Code scanning sa renewal ng kanilang mga dokumento, dagdag pa ng BPLO.
Kumpyansa naman ang City Government na maabot ang mahigit sa tatlong libong bilang ng mga registered business establishments sa lungsod sa pagpapatuloy ng business permit and licenses renewal and application ng mga negosyante. ##(CIO/AJPME)
KIDAPAWAN CITY – 4,163 NA ANG BILANG AS of February 3, 2021 ang nabigyan ng libreng CCTS card registration ng City Government.
Sinimulang magpatupad ng City Government ng libreng registration para sa Covid19 Contact Tracing System cards o mas kilalang Quick Response o QR Code noon pang December 15, 2020.
Layun ng pagpapatupad nito na mas gawing mabilis ang digital contact tracing ng mga na-expose at posibleng mahawaan at magkakasakit ng Covid19.
This is to all (for) city residents who have no access to the Internet as they have no gadget nor smart cellular phones to comply with the CCTS program,” ani pa ni City Information Officer Atty Pao Evangelista sa isang panayam ng Philippine News Agency bago lang.
Maliban sa libreng pagpaparehistro ng CCTS, may libre din na printing services ng QR Code sa mismong kiosk na inilaan ng City Government sa entry point ng City Hall.
Target ng City Government na mairehistro ang tinatayang isang daan at dalawampung libong mga residente ng lungsod sa CCTS.
Kaugnay nito as of 9PM ng February 3, 2021, 122,081 na mamamayan ang nakapagrehistro na sa CCTS sa lungsod kung saan ay 117,240 ang online registration at 4,841 naman ang offline, samantalang may 1,310 naman na establishments sa Kidapawan City ang nakarehistro din sa CCTS, ayon na rin sa website na r12-ccts.ph.
Matatandaang ipinatutupad na sa ilang mga business establishments, government offices at mga pribadong tanggapan sa Kidapawan City ang CCTS card scanning bago makapasok ang mismong mga empleyado at kliyente at makapagbigay ng serbisyo sa publiko.
Bahagi ito ng isinasagawang minimum health protocols sa ilalim ng Modified General Community Quarantine status ng lungsod at ng buong SOCCSKSARGEN Region sa kasalukuyan laban sa Covid19.##(CIO)
PUMAYAG NA ANG Sangguniang Panlungsod na pumirma sa isang confidentiality agreement si City Mayor Joseph Evangelista sa isang pharmaceutical company bago masimulan ang proseso ng negosasyon at pinaplanong pagbili ng bakuna kontra sa Covid19.
Unanimous ang naging approval ng mga kasapi ng SP sa kahilingan ng alkalde sa pamamagitan ng kanilang 21st Special Session na ginanap nitong February 2 ng hapon.
Ipinaliwanag ni City Legal Officer Atty. Pao Evangelista ang legal na nilalaman ng Confidentiality Agreement.
“This confidentiality agreement is a necessary step towards the dream of restoring normalcy to the people of our beloved city.”, aniya.
Mahalaga ang kasunduang papasukin ng City Government lalo pa at dito malalaman ng LGU ang ‘bisa at kaligtasan’ ng paggamit ng pinaplanong bibilhing bakuna, ayon pa kay Atty. Evangelista sa kanyang pagharap sa konseho.
Sa pamamagitan ng kasunduan, magkakaroon ng pagkakataon ang City Government na mapag-aralan ang bisa ng nasabing bakuna.
Kapag nagkasundo naman ang City Government at pharmaceutical company, dito na magsisimula ang opisyal na negosasyon sa pamamagitan ng approval ng SP para sa pagbili ng bakuna at ang pagpasok sa isang Tripartite Agreement sa pagitan ng City LGU, National Government at ng kompanya ng Covid19 vaccine.
Napag-alaman na ganito rin ang ginagawa ng iba pang Local Government Units ng bansa na nagnanais bumili ng Covid19 vaccine sa mga kompanya ng gamot.
Maliban pa sa pagpasok sa confidentiality agreement ng City Government, inaprubahan din ng Sanggunian ang MOA ng City Government sa Energy Development Corporation para sa pinaplanong pagtatayo ng Molecular Laboratory para sa pagsasagawa ng Reverse Transcription Polymerase Chain Reaction o RT-PCR test sa mga suspected Covid19 patients, at isa pang Memorandum of Agreement sa Cotabato Regional Medical Center para sa PCR Testing ng mga pasyente ng Covid na taga Kidapawan City.
Presider ng Special Session si Vice Mayor Jivy Roe Bombeo samantalang, on-leave naman si City Councilor Ruby Padilla Sison. ##(CIO)